Ano ang kailangan kong malaman tungkol sa katarata?
Ang mata ng tao ay parang isang kamera, kumukuha ng liwanag upang makabuo ng imahe na "nakikita" ng utak. Tulad ng sa kamera, mayroon lente sa loob ng mata na siyang nagpopokus sa liwanag mula sa mundo. Noong tayo ay isinilang, ang lente na ito ay malinaw na malinaw, at ang liwanag ay madaling nakakapasok, na bumubuo ng malinaw na imahe. Ngunit, habang tayo ay tumatanda, ang lente ay natural lamang na lumalabo, at nagkakaroon ng pamumuti. Ang namumuting lente na ito ay tinatawag na katarata.
Ang sikat ng araw, diabetes, paninigarilyo, at ilang gamot ay nakakapagpabilis ng proseso nito, pati na rin ang pinsala o opera sa mata. Ang liwanag ay hindi basta-basta makakapasok sa namumuting lente, bilang resulta, ang mundo ay nagiging malabo at madilim. Maraming tao rin ang nagkakaroon ng problema sa nakakasilaw na liwanag, lalo na kapag nagmamaneho sa gabi, o di kaya ay hindi kasing-linaw o kasing-tingkad tulad ng dati. Walang gamot o pampatak sa mata na makakagamot sa katarata, ngunit maaari itong maitama sa pamamagitan ng maikling operasyon na makakapagtanggal sa namumuting lente at palitan ito ng malinaw at artipisyal na lente, na makakapagpanumbalik ng paningin. Ang hindi nagamot na katarata ay lalong lalala, magiging palabo ng palabo ang paningin. Ang katarata ay lubhang pangkaraniwan (ang lahat ay makakauha nito kalaunan), at maraming operasyon sa katarata ang ginagawa sa Canada kada taon kumpara sa anumang iba pang operasyon.
Ano ang kailangan kong malaman tungkol sa operasyon ng katarata?
Tinatanggal ng operasyon sa katarata ang namumuting lente na pumipigil sa liwanag na makapasok sa mata at pinapalitan ito ng artipisyal (plastik) na lente hindi kailanman magiging malabo o mamumuti. Maaaring tukuyin ng iyong doktorang artipisyal na lente na ito bilang ‘intraocular lens’, or IOL. Irerekomenda ng iyong ophthalmologist ang opera kung ang katarata ay malala na at maaari nang makaapekto sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang operasyon sa katarata ay karaniwang tumatagal lamang ng wala pang 20 minuto, at kadalasan ay maaaring isagawa nang hindi nangangailangan ng general na anesthesia (o pampatulog). Depende kung saan ka nakatira, ang operasyon ay maaaring gawin sa isang ospital, o sa isang surgery center.